Ang Mga Haka-haka Tungkol sa Pag-ibig sa Loob at Labas ng King Wan Wan

Fiona Yu-Lun, HSU

Ang Store No. 163 ay matatagpuan sa hilagang-kanlurang sulok ng unang palapag ng King Wan Wan Shop Mall. Isa itong patag at makitid na tindahan. Ang huling tindahan na gumamit ng espasyong ito ay malamang isang tindahan na nagbebenta ng damit. Ang mga mahabang dingding ay natatakpan ng beige na wallpaper, at may mga luma na maliliit na halogen lamp na nakasabit sa itaas. Kapag nakabukas ang tindahan sa Linggo, ang ilaw ay kumakalat sa loob ng tindahan, unti-unting nagpapainit at nagbibigay-liwanag sa labas ng tindahan.

Ito ang aming kuta para sa mga buwang ito, isang kuwit para sa isang proyekto ng sining. Ang "Not Just Love Stories" ay pumasok sa gitnang yugto. Pagkatapos ng madalas na paglalakbay sa hilagang-timog ng Taiwan sa nakalipas na dalawang taon, nagpasya kaming gumamit ng isang nakapirming espasyo at isang pinahabang oras upang subukang mas maunawaan ang komunidad ng mga taga South East Asia. Samakatuwid, natagpuan namin ang King Wan Wan Building, inupahan namin ang store No. 163, at naging bahagi kami ng mga tindahan sa King Wan Wan. Kaya lang hindi kami nagbebenta ng mga paninda, gusto lamang naming makipagpalitan ng mga istorya. Ang 163 ay ang aming batayan para sa pagpaplano ng field research sa may malapit sa Mini Philippines. Tuwing Linggo, ang pangkat ng pagpaplano ay nagdadala ng mga bulaklak sa King Wan Wan bilang isang maliit na regalo upang simulan ang mga pag-uusap.

“Kumusta! Puwede ka ba naming bigyan ng isang bulaklak?” “Ganito yan, gumagawa kami ng art project tungkol sa pag-ibig."

Una sa bawat sulok ng 1st at 2nd floor ng King Wan Wan, pagkatapos naman ay sa mga nakapaligid na kalye. Sinisimulan namin ang pag-uusap sa iba’t ibang tanong tuwing Linggo,  ngunit ito ay palaging nagtatapos sa isang katanungan:

“Ano ang pag-ibig para sa iyo?”

Ang "pag-ibig" ay parang old-school kung pakinggan, ngunit ito ay isang epektibong lihim na salita. Ang salitang ito kung minsan ay nagbubunga ng mga sweet-talk na nakakataba ng puso, ngunit mas madalas, ito ay humahantong sa mga sitwasyon ng buhay nang paisa-isa. Linggo-linggo, iniiwan namin ang mga nakolektang sagot sa store 163, at nilalagyan din namin ng mga papel at panulat na may iba't ibang kulay upang puwedeng  magsulat o mag-drawing ang mga dumadaan doon. Habang lumilipas ang panahon, ang aming bintana ay patuloy na napupuno ng mga salita at parirala na may iba't ibang kulay. At kung lalo nagiging mas sanay kami sa kahulugan ng espasyo ng gusali at kapitbahayan, lalo nagiging mas nababanat at malambot ang pagsisimula ng mga pag-uusap. Nagpalitan kami ng mga bulaklak at mga kuwento, at kung minsan ay nagbibigay ng bahagi ng aming sarili sa mga estranghero. Minsan ay binabati kami ng mga matamis na ngiti, minsan kami ay naghihintay sa katahimikan at pagkatapos ay magalang na tinanggihan, kung minsan ay nakikita namin ang pagpupursige, galit o lungkot sa kanilang mga mata, at maraming beses na may maraming luha din.

Marami kaming nakolektang kuwento tungkol sa mga mag-asawa na mahabang panahon na magkasama. Ang mag-asawang kinasal ng isang taon ay nakikipag-usap sa kanilang mga babaeng kaibigan sa isang beauty store. Sinulat ng mahiyain na asawang lalaki “Ang Pagmamahal ay isang tadhana” gamit ang Tagalog. Kinuha ito ng kanyang asawa at isinulat ang English translation sa sumunod na linya. May nakaupo at kasama ang mga kaibigan sa unang palapag ng King Wan Wan, ang masigasig na ate na nagbebenta ng maliliit na bagay habang nakikipag-kuwentuhan, ay kasal sa kanyang asawa nang higit sa sampung taon. Ikinuwento niya kung paano siya lumaban sa pagtutol ng kanyang mga magulang at sa wakas ay nagpakasal din sila. Nakaupo sa ilalim ng araw ang ate na may maningning na mata kasama ang kanyang mga kaibigan sa Floral Expo Park. Sinabi niya na siya ay dating drummer ng banda, at naghintay pa kami ng konting oras upang ikonekta ang kanyang mobile phone sa Internet para lamang ibahagi ang mga lumang litrato ng kanyang girl band na binuo ng anim na magkakapatid na babae. Ang banda ay may maangas na pangalan na "Empress", ito ay minsang naglibot sa Japan noon. Nakilala daw niya ang kanyang asawang gitarista dahil sa kanyang mga kabanda. Natawa siya at sinabing marunong tumugtog ng mga instrumento ang kanyang mga anak, at maaari silang bumuo ng family band sa Pilipinas.

Mas marami kaming nakikilalang kababaihang Pilipino na nahaharap sa mga problema sa pag-aasawa. Isang babaeng may mahabang buhok ang nagtitinda ng mga panghimagas sa kalye para makalikom ng pondo para sa simbahan. Lumapit kami at nag-abot ng isang rosas. Nagulat siya at masayang sinabi na ito ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng bulaklak sa kanyang buhay. Ipinaliwanag namin ang aming layunin at tinanong siya kung ano ang pag-ibig sa tingin niya? Bumagsak ang kanyang tono, malungkot at galit niyang sinabi: "Sana hindi ko na lang nakilala ang aking asawa!" Madalas daw may mga kalaguyo ang asawa niya at ngayon ay may ibang pamilya na sa Pilipinas. Sinabi niya ang mga anak na lang niya ang importante at sandigan sa buhay niya. Ang sinabi niya tungkol sa pag-ibig na iniwan niya sa amin ay: Ang pag-ibig ay sakripisyo.

May isang babaeng nakaupong mag-isa sa labas ng simbahan. Matapos pakinggan ang aming tema, matagal siyang natahimik at sinabi niya sa amin na hindi sila magkasundo ng kanyang asawa. Habang pinag-uusapan ang pagka isip-bata ng kanyang asawa, bigla niyang sinabi, "baka balang araw dahan-dahan siyang magbabago." Parang pinapalakas niya ang kanyang loob, sinabi niya sa ngayon ay magfo-focus na lang siya sa kanyang sarili at alagaan ang kanyang mga anak. "Kailangan muna alagaan ang sarili bago mag-alaga ng iba." Sinabi niya sa amin, pero parang sinasabi niya rin sa sarili niya.

Ang isang binata na nagtatrabaho sa isang pabrika ay may maamo at malalim na mga mata. Gumamit siya ng tagalog at nag-iwan ng ilang mahabang linya sa bintana, “okay lang na mahilo ako basta gusto ko sayo lang iikot ang mundo ko.” Tinanong namin kung bakit niya sinulat, sabi niya “Nahihilo tayo sa pag-ibig, pero okay lang ito.” Matapos ang mahabang panahon, nabanggit niya ang kanyang kasintahan na nakilala sa trabaho dito sa Taiwan ay may pamilya na pala sa Pilipinas. Paano naman ang kinabukasan? Huminto siya, dahan-dahan at masigasig niyang sinabi, "Mahal ko siya."

Sa tabi ng store 163 ay may isang massage parlor. Laging may mga kustomer na nakaupo at naghihintay sa labas ng tindahan. Kapag naiinip sila habang naghihintay, curious silang titingin sa aming bintana at gustong malaman kung ano ang mga nakasulat. Isang araw, isang lalaki at isang babae ang nakaupo sa labas ng tindahan, paminsan-minsan ay nakatingin sa aming bintana. Nang maglaon ay nagpasya kaming bigyan sila ng bulaklak at hilingin sa kanila na isulat ang kanilang mga damdamin tungkol sa pag-ibig. Kinuha ng dalaga ang papel at panulat at sinabing gusto niyang pag-isipan muna ito, kaya pumunta kami sa labas at nag-interview pa. Nang lumingon kami, binigyan kami ng batang babae ng isang tala na puno ng mga salita: What I have learned about love is that, God will give you the right person at the right moment. Do not look for love, it will come to you. Love comes in different forms. Love for family, love for a friend, and love for God. But other than that, you will experience pain. And pain is inevitable in life whether you like it or not. Pain will teach you a lot. Love is pain. But it’s worth it.

Sulit ang oras sa bawat pagkikita namin sa mga tao dito. Ang King Wan Wan ay tulad ng isang anchor, pansamantalang tina-target kami upang makagawa pa ng ilang mga pagkakataong makatagpo na nagniningning na peronalidad sa labas. Kung gaano kalayo ang puwedeng abutin nito ay maaaring isang probabilidad lamang. Ang pinakamalapit siguro ay ang mga tindahan na malapit sa amin, sa katamtamang distansya naman ay maaaring ang komunidad ng mga Pilipino sa kapitbahayan na ito, o ang kanilang mga yapak sa Taiwan at kanilang bayan. Saan naman ang pinakamalayo? Parati namin itong iniisip habang naglalakad sa mga hilera na punong-puno ng mga pagkaing Pilipino. Siyempre mayroon kaming mga inaasahan, ngunit alam din namin na hindi lahat ng ito ay aming makakamtan. Sa ilang masuwerteng pambungad na sandali, saglit kaming nakarating sa mga bahagi ng buhay ng mga taong nakausap namin, at sa hindi mabilang na paglalahad ng mga bahagi na ito, na magkakaugnay ang masalimuot na pagtanggap ng damdamin ng isa't isa. Kapag kami ay pinalad na makarating sa mga espirituwal na lugar na iyon, kung minsan kami ay nalulugod na nagulat at kung minsan ay nababalisa. Ang lahat ng maaari nating makuha, marahil, ay ang mga bahagi ng kasalukuyang sandali sa loob ng kumplikadong emosyon, at ang mga haka-haka tungkol sa pag-ibig. Gayunpaman, ang mga bahagi na ito ay mabigat, at ang mga ito ay malumanay na inihahatid sa aming mga kamay sa masaya o mabigat na pagtatagpo, ngunit palagi naming pinahahalagahan ang mga ito bilang mga regalo.


Fiona, HSU Yu Lun

May background sa literature at art, inilaan niya ang kanyang sarili sa pagpaplano ng cross-cultural communication, pananaliksik sa art at pagsulat sa loob ng maraming taon. Nabighani sa magkatuwang na kasanayan ng mga manggagawa sa mga artist o non artist, sinusubukan din niyang tuklasin ang malikhaing potensyal ng pagsasalin ng wika at teksto.